Hiling Ng Isang Bata
Naalala ko, tuwing sasapit ang kapaskuhan, ito lagi ang hinihiling kong regalo mula sa aking mga magulang noong ako'y maliit pa lamang. Wala kasi akong nakababatang kapatid kaya ang tangi ko nalamang sinasambit ay magkaroon ako ng Barbie doll.
Pero kailanman ay hindi ako napagbigyan. Kailanman ay hindi naman ako nagtampo dahil alam ko, marami pang pasko ang darating, baka sa susunod malay natin ay magkaroon ako nito.
Ngunit habang lumalaki ako't nagkakaisip, naiintindihan ko kung bakit hindi ko sya makuha. Bagkus ay naunawaan kong, kailangang isaalang alang ng aking mga magulang ang mga bagay na mas importante.
Apat kaming magkakapatid, dalawa ang nasa kolehiyo ng pribadong paaralan, habang kami ng kuya ko ay nasa elementarya ng pampublikong paaralan. Mas magastos nga naman kung kaming lahat ay mapapagbigyan ng aming mga hiling. Sasakit ang ulo nila mama, mabubutas ang butas na nilang bulsa.
Ang kapaskuhan ay tanging araw na makakatanggap kami ng regalo. Bagong damit o bagong laruan? Isa lang ang pipiliin. Hindi pwedeng sabay.
Siyempre bagong damit, isang beses sa isang taon lang ako binibilhan kaya yun na pipiliin ko. Kailangan bago sa paningin ng ibang bata kapag rarampa ako sa kalsada at kakatok sa bahay-bahay para mamasko. Kailangan magara, kaaya-aya at di ako mukhang kawawa kahit di man ako makarami ng napamaskuhan.
Isa ang aking ninang, dalawa naman ang aking ninong kasama pa ng aking mga tiyahin umabot ng isandaan at singkwenta pesos ang aking napamaskuhan. Ang saya-saya ko!
Sa wakas ito na ang pagkakataon na makakabili ako ng laruang Barbie doll, yey! Magiging sikat ako sa mga kalaro ko dahil ako lang ang tanging mayroong mamahalin at napakagandang laruan.
Binalot ko ang pera sa isang papel, isinuksok sa ilalim ng aking unan. Bago ako matulog ay sisilipin ko ang nakabalot sa papel, kukunin ko ito at bibilangin.
"Andami kong pera! Umalis kaya ako rito sa bahay, para dina mahirapan sila mama sa akin. Pabigat lang siguro ako, dagdag pasanin at sa gastusin buti pang umalis nalang ako dito total di naman sila marunong makinig sa akin kasi bata pa daw talaga ako. Laging ako ang mali at pinapagalitan. Ako naman tong laging nasasaktan.. Siguro sapat na to mabubuhay na ako nito", ang aking murang isipan.
Nag-ayos ako ng ilang gamit para sa aking pinaplano, bukas na bukas din ay lalayas na ako. Gusto ko ng makawala sa maingay at magulong bahay na ito, madalas kaming di magkasundong magkakapatid, nagbabangayan at minsan nagsasakitan. Ayoko ng ganun.
Nakatulog ako sa ganung ayos, malalim ang iniisip, tila may tinik sa dibdib habang umaagos ang mga luha ko sa mga mata. Ang lungkot ko nung bata ako..
Kinabukasan ay dali-dali akong bumangon, diretso sa kusina pagkatapos maghilamos para tumulong sa paghahanda ng almusal. Masaya naman ang aming salo-salo, walang nagbabangayan, walang naghahampasan, sabagay pagkatapos palang ng pasko kaya behave ang lahat. Napagtanto ko pwede naman palang maging maaliwalas ang araw naming lahat. Hindi na ako maglalayas, ibibili ko nalang ng Barbie doll yung pera.
Natapos ang aking araw na masaya kahit pagod sa gawaing bahay. Gusto ko ng matulog pero naalala ko ang papel na nakasuksok sa aking unan, yung pera!
Pagkapa ko sa ilalim ng unan, wala na. Hinanap ko kung saan-saang sulok ng kwarto namin, diko na matagpuan. Purnada ang aking planong bumili ng laruan. Umiiyak akong lumabas ng kwarto at nagsumbong kay mama na nawawala yung pera ko. Pinagalitan pa ako dahil baka naiwala ko lang daw, nahulog sa kung saan.
Pumunta ako sa likod-bahay kahit medyo madilim, umiiyak pa rin. Pagkaupo ko, naaninag ko ang isang papel sa di kalayuan, katulad nung ibinalot ko sa kwarta. Ngunit pagbukas ko sa nakatuping papel, wala na yung pera, may kumuha!
"Ninakaw ang aking 'sandaan at singkwenta pisos ma..", hagulgol ako habang nagsusumbong kay mama.
"Sino naman kaya ang kukuha nun? E tayo-tayo lang naman ang nandito kahapon maliban sa mga pinsan mo", alalang sagot ni mama.
Sya namang pagdating ng aking kapatid na lalake. "Ma, alam ko kung sino ang kumuha ng pera ni bunso.. Nakita ko kahapon si Tonio pumasok ng kwarto nung makita kong may hawak syang papel paglabas hinabol ko po sya pero ambilis nyang nakatago. Bunso pasensya kana diko nabawi yun, buti nalang din kasi baka nasaktan ko sya kung naabutan ko!" paliwanag ni kuya.
"Yaan mo na kuya, mukhang mas kailangan ng pinsan natin yung pera dahil tumatayo syang tatay sa kanilang pamilya, kahit papaano ay baka makabili din sya ng regalo sa nanay nya at laruan para sa kapatid nya.." malungkot ang aking tinig pero para na rin akong nabunutan ng tinik ng malaman ko ang katotohanan.
"Bait mo naman bunso, sana pala sa akin mo nalang binigay bibili natin ng remote controlled car!" si kuya ulit.
"Oist magtigil nga kayong dalawa dyan. Mali pa rin yung ginawa ng kuya Tonio nyo, bukas kakausapin ko sya tungkol dito", saway ni mama.
"Wag na kayong malungkot, bukas ay dadalhin ko kayo sa bayan, kakain tayo dun sagot ko, at bibili tayo ng mga laruan nyo!" boses ni tatay yun habang nasa di kalayuan pala at nakikinig lang sa mga pinag-uusapan namin.
Yey! Tuwang-tuwa kami ni kuya habang si mama napataas nalang ng kilay hahaha.
Tanong: 1. Sa tingin nyo anong nangyari kay kuya Tonio?
2. Natupad kaya ang aking kahilingang magkaroon ng barbie doll?
3. May aral ba kayong napulot dito?
CLICK COMMENT SA GUSTONG MAG KOMENTO.
@Gracie
DISCLAIMER: (NO COPYRIGHT INFRINGEMENT INTENTIONS. FOR SUPPORT AND EDUCATIONAL PURPOSES ONLY)
I do not own ANY of the content. Property and rights for audio/ video/image go to the OWNER. If any content owners would like their images/video removed, please Message me and I will do so. No copyright infringement intended. Copyright reserved to the respected owner(s) of this article/image/video and copyright parties.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento